MANILA, Philippines - Sa gitna ng pagdinig ng national budget ng Department of Education para sa susunod na taon, muling binuhay sa Senado ang panukalang batas na naglalayong ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase.
Ayon kay Sen. Franklin Drilon, seryoso na ngayong pinag-aaralan ng DepEd ang panukala na baguhin ang school calendar upang magdire-diretso ang pasok ng mga estudyante.
“I’m glad to note that the DepEd is seriously studying revising the school calendar,” sabi ni Drilon.
Sa ginawa umanong pag-aaral ng DepEd, ikinumpara kung saan mas marami ang disruptions ng klase sa pagitan ng Enero hanggang Mayo at Hunyo hanggang Disyembre kung saan nakitang mas marami ang araw na hindi ipinapasok sa ikalawang bahagi ng taon dahil sa tag-ulan.
“Sa pag-aaral ng DepEd, kung ikukumpara mo ang school year mula January-May, i-compare mo June-December, mas malaki nang di hamak ang school disruptions during the 2nd half of the year dahil sa ulan as compared to the 1st half. Mas marami ang school suspensions sa 2nd half of the year as compared to the 1st half,” sabi ni Drilon.
Dapat lamang umanong tingnan ang school year na umiiral sa bansa upang maisagawa ang kinakailangang adjustment o pagbabago sa pagbubukas ng klase.
Ayon pa kay Drilon, mas pabor sa mga estudyante kung babaguhin ang opening ng klase lalo na sa Metro Manila dahil apektado ang mga mag-aaral ng pagbaha tuwing umuulan. Sinabi pa ni Drilon na hihikayatin niya ang DepEd na desisyunan ang nasabing panukala dahil mas marami ang makikinabang kapag ito ay ipinatupad.