Deployment ban ng OFWs sa Iraq, pinag-aaralan nang alisin
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na masusi nang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pag-aalis sa umiiral na ban o pagbabawal sa pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Iraq.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, inatasan na ni DFA Sec. Albert del Rosario si Usec. Rafael Seguis na pumunta sa Baghdad upang i-assess ang sitwasyon sa Iraq matapos na bumalik sa normal ang kapayapaan doon kasunod ng ilang taong bakbakan.
Sa statement ng DFA, may 5-member delegation na pinamumunuan ni Seguis ang tumungo sa Iraq upang tingnan ang posibilidad na re-opening o pagbubukas muli ng Embahada ng Pilipinas sa Baghdad at sa lifting ng deployment ban ng mga OFWs sa nasabing bansa.
Kabilang umano sa misyon ng delegasyon na tingnan ang nakatakdang pag-withdraw o pag-alis ng American military force sa Iraq.
Sa kabila ng nasabing ban, may mga OFWs ang sinasabing nakakapuslit pa rin patungong Iraq na dumadaan gamit ang mga kalapit na bansa sa Middle East.
Sinabi ng DFA na kapag tuluyang naalis ang deployment ban ay pagkakataon na umano ng mga manggagawang Pinoy na makapagtrabaho sa nasabing bansa, matapos ang halos isang dekadang digmaan simula nang atakihin at bombahin ng U.S. military forces ang nasabing bansa upang mapabagsak sa puwesto si dating Iraqi President Saddam Hussein na hinihinalang sinusuportahan ng Al Qaeda terrorist group.
Nagsimula ang Iraq war o invasion noong Marso 19, 2003 nang magsanib puwersa sina US President George W. Bush at United Kingdom Prime Minister Tony Blair upang pabagsakin si Hussein.
Nagbunsod ito upang magdeklara ang gobyerno ng mandatory evacuation sa lahat ng Pinoy at ideklara ang deployment ban sa Iraq dahil na rin sa kritikal na sitwasyon at serye ng pagdukot sa mga OFWs doon.
Magugunita na inalis na rin ng DFA ng nakalipas na buwan sa mga bagong Phl passporst ang nakatatak na ‘Not valid for travel to Iraq” matapos na ideklara ng Phl government ang deployment ban sa Iraq noong 2004.
- Latest
- Trending