MANILA, Philippines - Minaliit ng Malacañang ang ginawang transport strike ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opera tor Nationwide (PISTON) pero ayon sa PISTON ay naging matagumpay ang kanilang welga.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, karamihan sa transport group ay hindi nakiisa sa tigil-pasada ng PISTON dahil naunawaan ng mga ito ang paliwanag ni Pangulong Benigno Aquino III sa ginanap na dialogue nila kamakailan sa Palasyo.
Ayon kay Sec. Lacierda, dismayado sila sa ginawang strike ng PISTON dahil nakipag-usap na sa kanila ang Pangulo noong nakaraang linggo at naging maayos naman ang usapan.
Wika pa ni Lacierda, kakaunti lamang naman ang naapektuhan ng isinagawang tigil-pasada ng PISTON dahil wala namang naitalang strike sa region 1, 2, 5 at 7 bukod sa napaghandaan din ito ng gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng sakay sa mga pasahero.
Hindi kaagad sumama si DOTC Sec. Mar Roxas sa delegasyon ni Pangulong Aquino kamakalawa ng gabi patungong Estados Unidos dahil inasikaso muna nito ang trtansport strike saka lamang ito sumunod kahapon kay Pangulo sa US.
Pinanindigan naman ng PISTON sa pangunguna ni George San Mateo na naging matagumpay ang kanilang tigil-pasada at naipaabot nila ang kanilang hinaing laban sa walang-tigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ilang miyembro ng League of Filipino Students (LFS) na nakiisa sa tigil-pasada ng PISTON ang nagsagawa ng planking o paghiga sa kalsada.
Iginiit naman ng LTFRB na halos hindi na ramdaman sa kabuuan ang isinagawang tigil-pasada ng PISTON.
Samantala, sinabi naman ng PNP na naging ma payapa sa kabuuan ang naging transport strike. Ricky Tulipat/Joy Cantos/Angie dela Cruz/Rudy Andal