MANILA, Philippines - Higit na pinalakas ang kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot ngayon matapos itatag ang Philippine Narcotic Enforcement Officers Association (PNEOA) na pamumunuan ni Sen. Vicente Sotto III.
Pangungunahan ni Sotto ang ‘grand launching’ at ‘awarding ceremonies’ ng PNEOA sa Sofitel Philippine Plaza Hotel sa Pasay City sa Setyembre 28, ganap na alas-7:00 ng gabi.
Mahigit sa 200 bisita at participants ang inaasahang dadalo sa makasaysayang okasyon mula mismo sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Dangerous Drugs Board, iba pang law enforcement agencies at sibilyan mula sa iba’t ibang sektor.
Panauhing pandangal sa okasyon si Sen. Gregorio Honasan na siyang chairperson ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs; at chairperson ng Congressional Oversight and Committee on Dangerous Drugs-Senate.
Bibigyang parangal ang mga personalidad na hindi matawaran ang pagkabayani sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot para isalba ang kinabukasan ng mga kabataang Pinoy.
Ang bumubuo ng PNEOA ay sina Executive Director Markilo R. Rosales at mga board members na sina Mr. Romeo J. Sanga, Gen. Enrique C. Cuadra Ph. D; Atty. Victor R. Bessat, Dr. Idabel B. Pagulayan, Engr. Emmanuel C. Freires, Lady Grace Plazo Freires at Mr. Eric V. Señoren.
Ang PNEOA Grand Launching and Awards Ceremonies ay may temang “Saving the Filipino Youth.”