MANILA, Philippines - Isinusulong ng mga mambabatas sa Kamara ang pagtataas ng sahod ng mga nurse upang maka-engganyo ng mga bagong nursing graduates na manatili sa Pilipinas sa halip na magtrabaho sa ibang bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5230, ang minimum salary grade level ng mga nurses sa public hospitals at iba pang health institutions ay ia-upgrade mula sa Salary Grade 11 sa Salary Grade 15.
Layon umano ng nasabing panukala na makahikayat ng mga bagong nursing graduates na manatili sa Pilipinas at pagsilbihan ang mga kababayan sa halip na magtrabaho sa abroad.
Sinabi ni Bayan Muna party-list Rep. Teddy Casiño na noong ipasa ng Kamara ang Republic Act 9173 o Philippine Nursing Act noong 2002, maraming public nurses sa bansa ang nag-akalang matataasan na ang kanilang mababang sahod subalit nabigo ang mga ito.
Paliwanag ni Casiño, kulang o may shortage pa rin ng working nurses sa bansa sa kabila nang pagdami ng mga nursing schools at nursing graduates.
Sa ulat ng Alliance of Health Workers, ang mga nurses ay dapat sumasahod ng P24,887 na katumbas ng Salary Grade 15 base sa Nursing Act of 2002, subalit tumatanggap lamang ang mga ito ng P15,649, o katumbas ng halaga na nasa Salary Grade 11.