MANILA, Philippines - Hinamon ni CBCP Episcopal Commission on Public Affairs Chairman Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez ang pamahalaan na solusyunan ang patuloy na paglaki ng bilang ng mga walang trabahong Pinoy sa bansa.
Inihayag ni Bishop Iñiguez na dapat harapin na ng gobyerno ang kawalan ng trabaho ng maraming mamamayan na lalong nagpapahirap ng kanilang buhay.
Sa kabila nito, hinikayat ng Obispo ang gobyerno na makipag-pulong sa mga economic expert ng bansa nang makabuo ng plano kung ano ang gagawin sa sitwasyong nagpapahirap sa bansa.
Binigyan diin ng Obispo ng Kalookan na hindi magandang indikasyon ang patuloy na pagdami ng walang trabaho kaalinsabay ng hindi mapigilang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo at pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT gayundin ang pagpataw ng VAT sa toll fee na siyang dahilan ng transport strike ngayong araw na pangungunahan ng grupong PISTON.
Umapela rin si Iñiguez sa pamahalaan na ipaliwanag sa publiko ang hakbangin nito sa paulit-ulit ng nirereklamong Oil Deregulation Law.