MANILA, Philippines - Limang libong pulis ang idedeploy ng PNP National Capital Region Police Office (NCRPO) upang mangalaga sa kaayusan at seguridad sa mga pangunahing lansangan at highways kaugnay ng tigil-pasada na ikinasa ng transport groups ngayong Lunes.
Ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., nakahanda na ang mga bus, trucks at troops carriers ng kapulisan upang magkaloob ng libreng sakay sa mga mai-stranded na pasahero sa buong Metro Manila.
Sa panig ng militar, sinabi ni AFP-National Capital Region Command Chief Major Gen. Tristan Kison, na 27 military trucks, anim na bus, apat na towing truks at isang fire truck ang tutulong sa mga maaapektuhang commuters.
Sa gitna ng napipintong strike ipinaalala ni Deputy Presidential spokesperson Abigail Valte sa mga tsuper na nakapaloob sa prangkisang hawak nila ang obligasyon sa publiko.
Babantayan din umano ng pulisya at ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang mga tsuper na mananakot sa kanilang kapwa driver na hindi sasali sa strike.
Sa kabila nito, binalaan ni Cruz ang mga organizers at mga lalahok sa welga na iwasan ang manggulo at huwag maging bayolente dahil hindi umano mangingimi ang mga pulis na arestuhin sila.
Napaulat na nakahanda pa rin ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) na ituloy ang kanilang strike sa kabila ng pakikipag-usap kay Pangulong Aquino.
Ikinasa ang strike dahil na rin sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.