14 Pinoy dinukot sa Guinea
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na 14 Pinoy na kabilang sa 23 tripulante sakay ng isang oil tanker ang dinukot ng mga piratang Nigerian nang magkasabay na salakayin ang dalawang barko sa karagatang sakop ng Guinea sa West Africa.
Ayon sa DFA, ang 14 Pinoy crew kasama ang mga Spanish, Peruvian, at Ukrainian nationals ay sakay ng Cyprus-flagged at Norweigian-managed tanker MT Mattheos I nang biglang akyatin ng mga nagsulputang pirata na hinihinalang mga Nigerian na kumikilos sa Gulf of Guinea at sa mga karagatang sakop ng Binen hanggang Angola noong Miyerkules.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, inatasan na ni DFA Sec. Albert del Rosario ang Embahada ng Pilipinas sa Abuja at Oslo na magsagawa ng representasyon sa mga concerned authorities para sa ligtas na pagpapakawala sa mga bihag na Pinoy crew.
Base sa unang ulat ng International Maritime Bureau, na nagmomonitor sa nagaganap na pamimirata sa buong mundo na tinangka umanong magdiskarga ng krudo ang MT Mattheos I sa isa pang Norwegian-registered ship may 62 nautical miles mula sa Cotonou, kabisera ng Benin nang biglang umatake ang mga armadong pirata sa Gulf of Guinea sa Lome, Togo.
Maging ang nasabing Norweigian ship ay inatake din ng mga pirata subalit mabilis na nakapagtago at nagkulong ang mga crew sa isang cabin hanggang sa inantay nilang umalis ang mga pirata.
Sa rekord ng nasabing maritime bureau, nakapagtala ang Nigeria at Benin ng 18 kaso ng pag-atake ng mga pirata mula Enero hanggang Hunyo, 2011 sa Gulf of Guinea na idineklara nang mapanganib na maglayag tulad sa Gulf of Aden ng Somalia. Mula sa nasabing bilang, walong hijackings sa Benin ang naitala ngayong taon subalit sa loob ng 72 oras ay pinakawalan umano ang mga bihag matapos na makuha ang kanilang gusto.
- Latest
- Trending