MANILA, Philippines - Binubusisi na ng Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang pagkakaloob ng fixed rate o buwanang sahod sa mga driver ng bus at taxi upang maiwasan ang pagmamadali sa pagpasada ng mga ito kaya kadalasan ay naaaksidente sa lansangan bunga ng paghahabol sa kanilang kita.
Sa panayam, sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, kausap na nila ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagkakaloob ng fixed rate sa naturang mga driver na ibabatay sa halaga ng minimum wage ng mga manggagawa sa ngayon.
Anya, nagsimula na ang ahensiya sa pakikipag-konsultasyon sa mga bus operators para sa pagkakaloob ng fixed rate sa kanilang mga driver at pagkatapos ng mga ito ay sisimulan naman ang konsultasyon sa mga operator ng taxi.
Ang mga bus ay may bilang na mahigit sa 12,000 Metro Manila buses at provincial buses samantalang umaabot sa 26,684 ang mga taxi sa Metro Manila at 48,870 taxi nationwide.
Binigyang diin ni Iway na sa ngayon, ito lang ang nalalamang paraan upang maiwasan ang sunud-sunod na aksidente ng mga pampasaherong sasakyan sa lansangan partikular ng mga bus at taxi dahil sa pagmamadali na makalikom ng boundary.