Brillantes bigo uli sa CA
MANILA, Philippines - Nabigo na naman kahapon si Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes na makalusot sa Commission on Appointments (CA) committee on constitutional commission.
Ipinagpaliban ng komite ang kumpirmasyon ni Brillantes matapos maghain ng affidavit si dating Comelec law department head Ferdinand Rafanan na kontra sa paglusot ng Comelec chairman sa CA.
Ito ang ikatlong pagkakataon na nabigo si Brillantes na makalusot sa committee level ng CA. Itinakda ang muling pagdinig sa Setyembre 21.
Nauna rito, natanggap ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada, chairman ng CA panel ang affidavit ni Rafanan at pag-uusapan pa ng mga senador kung tatanggapin o papahalagahan ang oposisyon nito.
Hindi naman pabor si Senate President Juan Ponce Enrile na tanggapin ang affidavit ni Rafanan na dapat umano’y ibinigay noong nagsisimula pa lamang isalang sa kumpirmasyon ng CA si Brillantes.
Bagaman at pinaboran ng mayorya ng mga miyembro ng CA panel na tanggapin ang affidavit ni Rafanan, nahinto naman ang hearing dahil kinakailangan pang bumalik sa House of Representatives ang mga kongresista.
Sa affidavit ni Rafanan, sinabi nito na nilabag ni Brillantes ang Anti-graft and corrupt practices act o RA 3019.
Isa sa mga senador na tutol sa paglusot ni Brillantes sa CA si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Kinuwestiyon kahapon ni Cayetano si Brillantes kaugnay sa kawalan umano ng aksiyon sa kontrobersiyal na Hello Garci scandal.
Ikinatuwiran naman ni Brillantes na inimbestigahan na ng nakaraang liderato ng Comelec ang Hello Garci pero natupok umano sa sunog ang mga records nito.
- Latest
- Trending