Sasama sa transport strike, tatanggalan ng prangkisa
MANILA, Philippines - Nagbanta ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) na tatanggalan ng prangkisa ang sinumang pampasaherong sasakyan na sasama sa transport holiday na itinakda anumang araw mula ngayon bilang sagot sa panibagong oil price hike ng mga kumpanya ng langis.
Sa isang panayam, sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, tatanggalan ng prangkisa ang isang kumpanya ng public utility vehicles (PUVs) kung lahat ng sasakyan nito ay nag-strike, habang suspendido naman ng 6 na buwan ang operasyon ng alinmang pampasaherong sasakyan kung sumama sa strike ang 50 porsiyento ng bilang ng kanilang sasakyan.
Sinabi ni Iway na inalerto na nila ang lahat ng regional directors ng LTFRB nationwide na imonitor ang sitwasyon ng transport strike at magbigay ng rekomendasyon kung ano ang gagawin laban sa mga nag-tigil pasada sa kanilang lugar.
Gayunman, bibigyan naman anya ng due process ang lahat ng mga pampasaherong sasakyan na pagpaliwanagin hinggil sa pagsama sa transport strike.
Una rito, kinansela ng LTFRB ang operasyon ng 104 bus ng Corinthian bus ni Claire dela Fuente makaraang mapatunayang nagsagawa ng transport strike kamakailan.
Samantala, nakatakdang makipag-dayalogo ngayong araw si Pangulong Aquino sa transport groups upang alamin ang kanilang mga hinaing kaugnay sa panibagong oil price hike.
Sinabi naman ni FEJODAP President Zeny Maranan na limang bagay ang kanilang ilalapit sa chief executive sa kanilang meeting sa Malakanyang.
Una ay ang tungkol sa pagtutol sa oil price hike, pagpapa- amend sa oil deregulation law, pagpapatupad sa single ticketing system, usapin sa toll fee hike at issuance ng insurance.
Nagsabi naman ang militanteng transport group na Piston na sila ay patuloy na magsasagawa ng transport holiday kahit na may pulong si Pangulong Aquino sa hanay ng transport leader sa Malakanyang. (Angie dela Cruz/Rudy Andal)
- Latest
- Trending