Konsultasyon sa kababayan ni Pacquiao idaraos para sa Tampakan Copper-Gold project
MANILA, Philippines - Makaraan ang matagumpay na dalawang pampublikong konsultasyon para sa Tampakan copper-gold mining project na dinaluhan ng mahigit 4,000 katao, muling magdaraos ngayon (Martes) ng public consultation sa bayan ng Malungon sa Sarangani na paglalagyan ng pasilidad para sa proyekto tulad ng power transmission lines at concentrate pipelines.
Ipapaliwanag sa pampublikong konsultasyon ang Environmental Impact Assessment (EIA) na naunang inilarawan ni Malungon Mayor Reynaldo Constantino na “masyadong pinaghandaan” ng nagpanukala at kinontrata ng gobyerno na Sagittarius Mines, Inc. (SMI). Ngunit nilinaw ng alkalde na ang pinal na desisyon ay magmumula sa mga mamamayan.
“Ikinokonsidera ko ang SMI bilang partner ngunit ang pagpapasya sa Tampakan project ay nasa kamay ng aking nasasakupan, kung susuporta kami o hindi,” sabi ni Constantino.
Mahalaga ang pag-endorso ng bayan ng Malungon dahil ang transmission lines at pipeline facilities sa panukalang Tampakan project ay magdadaan sa nasabing bayan. Kailangan din ang pag-endorso ng lalawigan ng Sarangani para sa Tampakan project.
Noong nakaraang linggo, nagsagawa ng pampublikong konsultasyon ang panukalang proyekto sa Tampakan, South Cotabato at Kiblawan, Davao del Sur kung saan masiglang nagsidalo ang mahigit 4,000 apektadong mamamayan. Gayunman, napuna ng mamamahayag na nakabase sa Rehiyon 12 na hindi nagsidalo ang mga grupong tutol sa Tampakan project.
Ayon kay Constantino, ngayon pa lamang ay nadarama na ng lokal na ekonomiya ang positibong maidudulot ng napakalaking proyekto na pauunlarin sa kanila mismong lugar.
“Nararamdaman na namin ang benepisyong pang-ekonomiya mula sa Tampakan project sa pamamagitan ng mga trabaho at oportunidad sa kabuhayan,” sabi ni Constantino na umaasa sa madaliang operasyon ng proyekto. “Isa itong napakalaking pamumuhunan hindi lamang sa Malungon at Sarangani kundi sa buong Region 12.”
- Latest
- Trending