MANILA, Philippines - Literal na gumulong ang ‘gulong’ ng hustisya sa programa ng Korte Suprema na mapalaya ang mahigit 6,000 inmates sa mabilis na proseso ng mga pagdinig sa pamamagitan ng Enhanced Justice on Wheels Program (EJOW) mula taong 2008 hanggang sa kasalukuyan.
Sa pahayag ni SC Associate Justice Mariano del Castillo, Chairman ng EJOW, may kabuuang 6,251 inmates ang napalaya ng nasabing programa at bukod sa hustisyang naipagkaloob sa mga preso ay nakapagtipid pa ang gobyerno ng kabuuang P406,315 kada-araw na dapat na ginastos sa mas matagal na pagdinig.
Kamakailan ay binisita ni del Castillo kasama si Philippine Judicial Academy (Philja) Chancellor Adolfo Azcuna at Pasay City Mayor Antonio Calixto ang Pasay Regional Trial Courts and Metropolitan Trial Courts na nagpapatupad ng EJOW program at hinimok na rin nila ang mga korte na personal ang gawing pagdalaw sa mga city jail upang matukoy kung sinu-sino sa preso ang kailangan nang litisin. Ang EJOW ay ipinatutupad sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Bukod sa legal aids, may mediation din sa mga kaso upang mas mapaluwag ang tambak na asunto sa dockets ng mga korte. Kasabay ng EJOW ay ang medical at dental projects kung saan nabenepisyuhan ang 12,287 preso.