MANILA, Philippines - Lubhang nababahala na ngayon ang Makati PNP sa walang tigil na operasyon ng mga “Bukas Kotse Boys” sa kahabaan ng EDSA-Guadalupe na hindi mapigil dahil sa hindi maipakulong ang mga batang kanilang nahuhuli.
Sinabi ni Makati PNP officer-in-charge Supt. Jaime Santos, nakakapagtala na sila ng 196 pag-aresto sa mga kabataang sangkot sa naturang krimen mula noong nakaraang taon ngunit hindi pa rin lubusang nasasawata dahil sa pabaya at mga kunsintidor na mga magulang.
Modus-operandi ng mga bata na buksan ang pinto sa may driver’s seat o lituhin ang driver habang isa naman sa kasamahan nito ang magbubukas sa iba pang pinto upang kunin ang anumang gamit na kanilang mapapakinabangan.
Mabilis namang nakakatakas ang mga bata dahil madaling akyatin ang mababang pader at perimeter fence ng Metro Rail Transit saka tatawid sa kabilang bahagi ng kalsada. Madalas na sumasalakay ang grupo ng mga kabataan sa pagitan ng alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi kung saan pinakamatindi ang buhol-buhol na trapiko sa EDSA.
Sinabi pa ni Santos na hindi lumalakas ang loob ng mga kabataang ito dahil sa hindi nila maipakulong at ipinapasa lamang ang kustodiya sa lokal na Department of Social Welfare and Development saka papauwiin sa kanilang mga magulang kung saan muling babalik ang mga ito sa pagnanakaw.
Ipinayo na lamang ng pulisya sa mga motorista lalo na sa mga taxi driver na madalas mabiktima na tiyakin na palaging naka-lock ang pinto ng kanilang mga sasakyan anumang oras at huwag basta-basta lumabas ng sasakyan kung walang ibang kasamang maiiwan.