Solon nabiktima ng pekeng 'Barong Tagalog'
MANILA, Philippines - Nabiktima ng pekeng “Barong Tagalog” ang isang kongresista matapos nitong akalain na orihinal na gawa sa piña jusi ang suot nitong damit sa isang pulong ng National Science and Technology Week kamakailan.
Nadiskubre lamang umano ni Agham party list Rep. Angelo Palmones na peke ang suot niyang Barong Tagalog ng mismong ang Philippine Textile Research Institute (PTRI) ng Department of Science and Technology (DOST) ang makahalata nito kung saan ang inaakalang sangkap ng piña jusi ay sinabuyan lamang pala ng isang chemical prints sa tela.
Bunsod into, pinaiimbestigahan na ni Palmones sa Department of Trade and Industry (DTI) ang umano’y nagkalat na mga pekeng “Barong Tagalog” sa mga pamilihan sa buong bansa.
Giit ng mambabatas, malinaw na panloloko ito sa mga mamimili gayundin malalagay sa peligro ang local technology products para sa mas mababang quality standard.
Karamihan umano sa mga ibinebentang pekeng Barong Tagalog ay mula sa bansang China na ibinabagsak sa mga pamilihan tulad ng Divisoria.
Ayon sa PTRI, base sa pagsisiyasat ng mga ito, ang ibinebentang telang Barong Tagalog na gawa umano sa chiffon, piña organza, piña jusi at piña cocoon sa Divisoria ay may sangkap na polyester at silk na ibinebenta lamang mula P70.00 kada yarda hanggang P1,300 samantalang ang authentic na piña fabrics umano ay nagkakahalaga ng P600 hanggang P650 kada yarda.
- Latest
- Trending