Pagkakapasa sa LPG bill iligal daw

MANILA, Philippines - Imbalido dahil sa kakulangan ng quorum ang pagkakatibay ng House of Representatives sa panukalang LPG Safety Act.

Ito ang akusasyon kahapon ng mga independiyenteng refiller ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) makaraang pumasa sa ikalawang pagbasa ng mababang kapulungan ng Kongreso ang natu­rang panukalang-batas.

Sinabi ni LPG Refillers Association President Bernie Bolisay na mayor­ya ng mga miyembro ng House ang wala sa plenary session nito noong Biyernes ng umaga nang aprubahan ang LPG Safety Act kaya lubhang kuwestiyunable ito.

“Para sa LPGRA, iligal ang pagkakapasa ng panukalang-batas sa pangalawang pagbasa. Itinatadhana sa Konstitusyon na kailangang kalahati ng kabuuang bilang ng mga miyembro ng House at ng Senado ang nasa sesyon para makabuo ng quorum at makapagpatibay ng bill,” sabi pa ni Bolisay.

Sa sesyon noong Biyernes, 73 mambabatas lang ang nasa sesyon ng Kongreso. May kabu­uang 285 ang bilang ng mga kongresista na ibig sabihin, dapat meron man lang 144 miyembro ang nasa sesyon para makapagdeklara ng quorum.

Pinuna ni Bolisay na halatang dinidiskaril ang panukalang-batas para pumabor sa mga malala­king kumpanya ng langis at maagrabyado ang mga konsyumer.

Iginiit ni Bolisay na depektibo ang bill dahil wala itong safety nets o subsidy para sa nakukumpiskang mga depek­tibong tangke ng LPG.

Show comments