Suicide sa bansa lumolobo
MANILA, Philippines - Nababahala na ang simbahang Katoliko sa patuloy na paglobo ng insidente ng suicide sa bansa.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Family and Life Vice Chairman Lipa Batangas Archbishop Ramon Arguelles, bukod sa depresyon o kahinaan ng loob sa mga nararanasang problema sa buhay, naitutulak pa itong lalo ng iligal na droga at alak na mas nagpapatindi ng depresyon ng isang tao.
Aniya, ang kakulangan ng family bonding ang siyang nagdudulot ng physical, psychological at spiritual pain.
Sinangayunan ni CBCP Public Affairs Committee Chairman Caloocan Bishop Deogracias Iniguez ang pananaw ni Arguelles at dinagdag na may isang Filipino ang nagpapakamatay bawat araw. Tamang pagpapayo o counselling aniya ang kinakailangan.
Sa pag-aaral na ginawa ng Natasha Goulbourne Foundation, isang non-govenment organization, ang suicide ay dulot ng sobrang pagkalungkot na kadalasan ay nauuwi sa matinding depresyon.
Sa datos ng World Health Organization, 2.5 sa mga kalalakihan at 1.7 naman sa mga babae ang nagpapakamatay sa bawat 100,000 Filipino.
Nito lang nakaraang Biyernes ng umaga, isang 16-anyos na dalagita ang tumalon sa Agno River sa Mangaldan, Pangasinan matapos umanong mapagalitan ng kanyang mga magulang dahil palaging gabi na kung umuwi kasama ang mga kaibigan. Hinihinalang nagtampo ito sa magulang na sanhi ng kanyang pagpapakamatay.
Samantala, isang 16-anyos din na dalagita sa Agusan del Sur ang nagbaril naman sa ulo dahil umano sa selos na may ibang babae ang kinakasamang bf na sinasabing ginagabi ng uwi.
- Latest
- Trending