Wanted na lider ng Pentagon, namatay na
MANILA, Philippines - Namatay dahil sa sakit na diabetes ang wanted na lider ng Pentagon kidnap for ransom (KFR) gang nitong Sabado ng madaling araw sa safehouse nito sa Maguindanao.
Kinumpirma ni Col. Leopoldo Galon, spokesman ng AFP-Eastern Mindanao Command (Eastmincom) ang pagpanaw ni Commander Tahir Alonto, lider ng Pentagon na nag-ooperate sa Central Mindanao at mga kanugnog na lalawigan at may patong sa ulong P1 milyon.
Sinabi ni Galon, natanggap nila ang balitang ibiniyahe na patungong Brgy. Balongis, Pagalungan, Maguindanao ang labi ni Alonto para iburol sa loob ng 24 oras alinsunod sa kaugalian ng mga Muslim.
Ayon kay Galon, matagal ng pinaghahanap ng batas ang may sa palos na si Alonto na namatay sa katandaan matapos na magkaroon ng maraming kumplikasyon ang sakit nitong diabetes.
Si Alonto ay nasakote ng Army’s 603rd Infantry Brigade sa pamumuno ng noo’y si dating Col. Delfin Lorenzana, isa ng retiradong heneral sa operasyon sa Brgy. Apopong, General Santos City.
Nasampahan ito ng kasong multiple murder kaugnay ng pagdukot sa isang Dr. Cavalida sa Digos City noong 1999 at nahatulan ng guilty ng korte gayundin ang kaniyang mga kasamahang kidnaper.
Gayunman, sumalakay ang mga armadong kasamahan ni Alonto na nagpaputok ng Rocket Propelled Grenade (RPG) sa General Santos City Jail noong Nobyembre 2010 at itinakas ng mga ito ang kanilang lider.
- Latest
- Trending