MANILA, Philippines - Hindi sa Pilipinas plinano ng terrorist group na al-Qaeda ni Osama bin Laden ang “Oplan Bojinka” o ang madugong terror attack sa Pentagon District at World Trade Center sa Estados Unidos noong Setyembre 11, 2001 na kumitil at sumugat ng libu-libong buhay.
Ito ang inihayag kahapon ni dating Philippine National Police (PNP) Chief at dating Defense Secretary at ngayo’y Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. kaugnay ng ika-10 taong anibersaryo ng paggunita sa US 9/11 terror attack.
Ang Oplan Bojinka ay ang plano ng al-Qaeda na pasabugin ang 11 US-bound commercial planes mula sa Southeast Asia at ang assassination plot laban kay Pope John Paul II.
Si Ebdane ang dating Director ng Western Police District ng isagawa ang raid sa Josefa Apartment sa lungsod ng Maynila noong 1995 kung saan naaresto ang al-Qaeda terrorist na sina Abdul Hakim Murad bunsod upang madiskubre ang Oplan Bojinka.
Ayon kay Ebdane, ang 9/11 US terrorist attacks sa World Trade Center sa New York City at Pentagon District sa Estados Unidos ay bahagi ng Oplan Bojinka.
Noong Enero 6, 1995 ay nagresponde ang mga operatiba ng Manila Police sa Josefa Apartment matapos magkaroon ng sunog sa kuwartong inookupa nina Murad at Ramzi Yousef, ilang araw bago ang pagbisita sa bansa ni Pope John Paul II.
Sa nangyaring sunog ay nadiskubre ang mga eksplosibo at laptop na naglalaman ng Oplan Bojinka ng Al Qaeda. Nabatid na naghahanda sa paggawa ng eksplosibo ang mga suspect gamit ang stove ng magkasunog sa lugar.
Nadiskubre rin ng mga awtoridad ang isang floppy disks at laptop na pag-aari ni Youseff na naglalaman ng Oplan Bojinka o ang planong terror attack ng Al Qaeda kung saan ipinabatid ito ni Ebdane sa noo’y kasalukuyang PNP Chief ret. Director General Recaredo Sarmiento.
Agad nagsagawa ng raid ang mga operatiba ng pulisya na nagresulta sa pagkakasakote kay Murad pero nagawang makatakas ni Youseff na naaresto naman sa Pakistan.
Nasamsam sa kuwarto ng dalawang terrorist ang pipe bombs, mga relo, wires at bulak na ibinabad sa kemikal.
Inihayag ni Ebdane na nag-hire pa sila ng eksperto upang buksan ang laptop dahil sa self-destruct mechanism kung saan natuklasang Oplan Bojinka ang laman nito.
Nabatid pa na sina Murad at Youseff ay nag-enrol sa isang Aviation School sa Clark, Pampanga upang matutong magpalipad ng eroplano na siyang ginamit sa terror attack sa World Trade Center sa New York City noong 9/11.
Nanindigan naman ang dating PNP Chief na naniniwala siyang hindi sa Pilipinas plinano ang Oplan Bojinka dahil tapos na ang plano ng madiskubre nila ang nilalaman ng laptop.
Kaugnay ng ika-10 taong anibersaryo ng 9/11 attack, sinabi ni Ebdane na nag-aalay siya ng dasal para sa lahat ng mga naging biktima ng madugong terror attack.
Samantala, tiniyak kahapon ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na normal ang sitwasyon sa Pilipinas at naka-”normal alert” lamang ang Philippine National Police (PNP) maliban sa ilang lugar sa Mindanao.
Wala rin aniyang namomonitor na banta ang gobyerno mula sa sinumang personalidad o grupo na may kaugnayan sa mga lokal o banyagang terorista.
Pero kahit umano normal lamang ang sitwasyon sa bansa, nananatili pa ring vigilante at mapagbantay ang PNP. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)