MANILA, Philippines - Hindi napigilan ng bagong luklok na si PNP Chief Deputy Director General Nicanor Bartolome ang mapaluha matapos dumalo sa unang araw ng kanyang pag-upo sa puwesto ang limang mga nagretirong opisyal na minsan nang sumagip ng kanyang buhay.
Sa ginanap na turnover ceremony sa Camp Crame kahapon, bumuhos ang luha ni Bartolome sa kaniyang talumpati ng hingan ng mensahe para sa limang dating kasamahan sa binuwag na Philippine Constabulary (PC) kung saan siya ang Platoon Leader noong dekada ‘80 sa Central Mindanao.
Ang nasabing mga nagretirong opisyal na nanggaling pa sa North Cotabato ay sina ret. SPO4 Alfredo Calusad, ret. Godofredo Fernandez at mga tinukoy lamang sa mga apelyidong ret. Master Sgt. Deongan, Ballesteros at Silva.
Ipinaliwanag ni Bartolome na malalim ang kanilang pinagsamahan at maraming pagkakataong sila’y nasa bingit ng kamatayan dahil sa kabi-kabilang engkuwentro. Nakasama rin sila sa hirap ni Bartolome na noo’y tinyente pa lang ng madestino sa bundok.
Sa isang ambush sa Central Mindanao ay dinapaan ng mga ito si Bartolome upang iligtas sa tiyak na kapahamakan. Nang magtapos si Bartolome sa Philippine Military Academy (PMA) Class ’80 ay nadestino ito sa Mindanao ng may 11 taon.
“What I saw in them sa kanilang mga actuations sa kanilang mga movements nagbabago yung aking desisyon. And in the process nasa-save kaming lahat at sila talaga ang dahilan kung bakit sabi ko nga kanina nandito pa din ako,” ayon pa kay Bartolome.
Samantala, iniutos naman ni Pangulong Aquino kay Bartolome na gawing personal ang paghabol sa mga kriminal sa ilalim ng kanyang pamumuno sa pulisya.
Sinabi ng Pangulo sa pagdalo nito sa turn-over ng liderato ng PNP mula sa nagretirong si Raul Bacalzo, inaasahan niyang tuluyang masugpo ang kriminalidad sa bansa sa ilalim ni Bartolome.
Nilinaw naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, hindi ang pagiging malapit ni Bartolome sa Aquino sisters at pagiging taga-Tarlac nito ang naging batayan kaya ito ang napiling PNP chief kundi ang naging karanasan nito.