MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ni Vice President Jejomar C. Binay ang Home Development Mutual Fund (Pag-Ibig) na gumawa ng kaukulang hakbang na legal para maipawalambisa ang injunction order ni Pasig City Regional Trial Court Judge Rolando Mislang.
Ikinairita ni Binay ang isang desisyon ni Mislang na humarang sa pagsasampa ng kaso laban sa may-ari ng Globe Asiatique Realty Holdings Corp (GA) na si Delfin Lee kahit naatasan na ng Supreme Court ang huwes na ipaliwanag ang nauna nitong ipinalabas na temporary restraining order na pabor sa GA.
“Ipinalabas niya ang preliminary injunction kahit batid niya na kinukuwestyon ang ligalidad at katumpakan ng kanyang TRO at sinabihan na siya ng Court Administrator na ipaliwanag ang kanyang hakbang,” dagdag ng Bise Presidente.
Noong Martes, ipinalabas ni Mislang ang preliminary injunction na pumipigil sa Department of Justice na magsampa ng kasong syndicated estafa laban kina Lee, anak nitong si Dexter at iba pang akusado.
Nauna nang inihain ng Pag-IBIG Fund sa Mataas na Hukuman ang kasong administratibo laban kay Mislang dahil sa pagpigil sa DOJ na kasuhan sina Lee.