MANILA, Philippines - Alinsunod sa utos ni Vice President at Housing Czar Jejomar C. Binay, isinampa na ng Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG) sa Supreme Court ang isang pormal na administrative complaint laban kay Pasig Regional Trial Court Judge Rolando Mislang.
Sinabi ng Pag-IBIG sa isinumite nitong reklamo kay Office of Court Administrator Jose Midas Marquez na nakagawa umano si Mislang ng gross ignorance of the law at grave misconduct nang magpalabas ito ng 20 araw na temporary restraining order na pumipigil sa Department of Justice sa pagsasampa ng iba pang kasong syndicated estafa laban sa pangulo ng Globe Asiatique Realty Holding Corp. at iba pang executives nito.
Inakusahan din si Mislang ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Revised Penal Code sa pagpapalabas ng hindi makatarungang ka utusan at malisyosong pag-aantala sa administrasyon ng hustisya. Naunang inirekomenda ng DOJ na kasuhan ng syndicated estafa sina Lee at iba pang sangkot nang lumitaw sa imbestigasyong inutos ni Binay na gumamit ng mga “ghost borrowers” at pekeng dokumento ang GA para makakuha ng P6.5 billion loans sa Pag-IBIG. Pinuna sa reklamo na nagkaroon ng bad faith at malice sa bahagi ni Mislang nang magpalabas siya ng TRO kahit naunang tinanggihan ng DOJ panel of prosecutor ang kahalintulad na petisyon para suspendihin ang pagdinig.
Kinuwestyon din ng Pag-IBIG ang desisyon ni Mislang na huwag nang pagpiyansahin si Lee bagaman rekisitos ang piyansa sa Rules of Court.