MANILA, Philippines - Matapos ang kontrobersiyal na pagbili ng Philippine National Police ng mga second hand ng choppers, mga kabayo naman ang balak nilang bilhin upang magamit na pagpapatrolya at paghabol sa mga kriminal.
Sa deliberasyon ng budget ng PNP para sa susunod na taon, napuna ni Sen. Panfilo Lacson ang nakalaang budget para sa pagbili ng pitong kabayo.
Ayon kay Lacson okay lamang na bumili ng mga kabayo ang PNP basta’t hindi second hand ang mga ito.
Nilinaw naman ni PNP chief Raul Bacalzo na sa probinsiya gagamitin ang mga kabayo at hindi sa Metro Manila.
Magiging kapaki-pakinabang umano ang mga kabayo sa mga lugar na hindi naabot ng mga patrol cars katulad sa Cordillera.
Ayon kay Bacalzo, ang mga kabayo ay epektibong nagagamit sa pagpapatrolya sa bulubundukin ng Tagaytay CIty kaya maaari rin itong gawin sa Cordillera.
Matatandaan na si Lacson ang nagbunyag ng mga second hand na helicopters na binili ng PNP at sinasabing dating pag-aari ni dating First Gentleman Mike Arroyo.
Samantala, napuna naman ni Senate President Juan Ponce Enrile na ang pagiging “vehicle-bound” ang mga pulis sa bansa na hindi umano ginagamit ang mga paa sa pagpapatrolya.