MANILA, Philippines - Limitado na ang oras ng mga menor de edad sa internet shop sa lungsod ng Valenzuela matapos na ianunsyo ni Mayor Sherwin Gatchalian ang puspusang implementasyon ng bagong aprubang ordinansa na nagbabawal sa mga kabataang 18-anyos pababa na magpakalat-kalat sa mga internet shops sa dis-oras ng gabi.
Ayon kay Mayor Gatchalian, istriktong ipatutupad ng pamahalaang lungsod ang Sangguniang Panlungsod Ordinance No. 13, series of 211, o mas kilala sa “The Internet Ordinance of Valenzuela City,” sa pamamagitan ng pagpapakalat ng poster at tarpaulin sa paligid ng lungsod.
Layon ng kampanya na maimpormahan ang publiko na ang mga menor de edad o sinumang may edad na 18 pababa ay pinapayagan lamang sa internet café, computer rental at gaming shops ng mula alas-4:00 ng hapon hanggang alas-9:30 ng gabi upang gawin ang kanilang research work at assignment.
Ang mga tarpaulin ay ipapaskel sa buong lungsod at maglalagay rin ng posters sa internet café, computer rental at gaming shops para mapalawak ang kaalaman ng may-ari at operators ng mga establisimyento na mayroong bagong batas kaugnay sa regulasyon sa operasyon ng kanilang mga negosyo.
Sa ilalim ng ordinansa ang mga menor de edad ay mahigpit na pinagbabawalang pumasok sa internet shops at cafe ng mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon. Pasok rin sa section 5 ng ordinansa ang paglilimita ng operasyon ng mga internet café hanggang ala-1:00 a.m.