MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Sen. Sergio Osmeña na hindi magiging hadlang sa pagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado hinggil sa P660 milyong behest loans ang mga nakabinbin na reklamo laban kay dating trade Minister Roberto Ongpin gayundin sa dating opisyal ng Development Bank of the Philippines (DBP).
Sinabi ni Sen. Osmeña, chairman ng senate committee on banks, financial institutions and currencies, nagkasundo na sila ni Sen. TG Guingona, chairman ng blue ribbon committee, na magsagawa sila ng joint investigation hinggil sa kwestyonableng transaksyon na ito ng DBP partikular ang pagbibigay ng behest loan sa dating crony ng Marcos regime.
Noong Agosto 5, naghain ng reklamo si DBP chairman Jose Nunez at president Francisco del Rosario Jr. laban sa dating board ng DBP sa pangunguna ni chairman Patricia Santo Tomas, president Reynaldo David, at Ongpin, kaugnay sa P660 million behest loans na ipinautang ng DBP sa kumpanya ni Ongpin na Delta Ventures Resources Inc. (DVRI), upang gamitin sa pagbiili sa Philex Mining shares.