'Pinay maids ng mga Gaddafi prayoridad ng gobyerno' - Binay
MANILA, Philippines - Pangunahing prayoridad ng pamahalaan sa pagpapauwi ng mga Pilipinong nasa magulong Libya ang apat na katulong na Pilipina na nagtatrabaho sa mga kamag-anak ng pinatalsik na lider na si Moammar Gaddafi.
Nagbigay ng ganitong pangako si Vice President at Presidential Adviser on Overseas Filipino Concerns Jejomar Binay kay Jenny Rivera, isang kamag-anak ng isa sa apat na katulong na Pilipina ng isang pamangkin ni Gaddafi.
Tiniyak ng Bise Presidente kay Rivera na kagyat na hihilingin ng pamahalaang Pilipino ang National Transitional Council na pauwiin sa Pilipinas ang kapatid niyang si Diana Jill at iba nitong mga kasamahang manggagawa.
“Ang magandang balita dito, alam natin na nasa maayos silang kalagayan. At binigyan naman tayo ng katiyakan na hindi sila papabayaan doon,” sabi pa ni Binay.
Sinasabi naman ni Rivera na kinikilala ng kanyang pamilya ang mga pagsisikap ng pamahalaan na mailigtas ang mga Pilipinong nasa Libya.
“Nahihirapan din silang makakontak kasi mahirap na ang komunikasyon doon. Lagi siyang umiiyak, lahat silang apat umiiyak,” sabi ni Rivera na nagtatrabaho bilang liaison officer sa Blas F. Ople Policy Center.
“Ang pakiusap lang namin sana ay huwag nilang kalimutan na andoon pa yung apat na kasambahay at talagang umiiyak at nakikiusap na matulungan silang umuwi,” dagdag pa niya.
- Latest
- Trending