MANILA, Philippines - Nais ni Camarines Sur Rep. Diosdado Macapagal Arroyo na madaliin ang pagdaragdag ng ngipin sa kasalukuyang mga parusa kontra sa pang-aabuso sa mga kababaihan at kabataan sa pamamagitan ng white slavery o prostitusyon.
“We have existing laws penalizing this kind of exploitation, but still prostitution has become rampant rather than curtailed,” ani Arroyo kasabay ng pagsusulong na mapagtibay na ang inihain nitong House Bill 1475.
Binigyang-diin ni Rep. Dato na masyadong pinabababa ng white slavery ang dignidad ng mga kababaihan at bata na nagiging sex object.
Sa ilalim ng panukala ng kongresista, papatawan ng parusang reclusion temporal sa halip na prison mayor lamang ang sino mang nasasangkot o nagkukunsinti sa prostitusyon.
Bukod diyan, hindi dapat bababa sa P100,000 ang magiging multa sa mga suspek. Ang kabayaran ay magiging cash fund ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na gagamitin sa rehabilitasyon ng biktima.