Financial aid ng UN sa Phl itinigil na, RH bill apektado
MANILA, Philippines - Ikinatuwa nina Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. at Lipa Archbishop Ramon Arguelles ang ulat ni Iloilo Rep. Janet Garin na simula sa susunod na taon ay hindi na magbibigay ng pinansyal na tulong ang United Nations sa Pilipinas para ipambili ng condom at contraceptives pills.
Kasabay nito, umaasa si Arguelles na unti-unti ng kakalas ang mga anti-life congressman sa pagsusulong ng RH bill dahil wala silang mapapalang ayuda mula sa UN.
Ayon kay Bacani, patunay lamang ito na humihina na ang puwersa ng mga nagsusulong ng contraceptives sa Amerika at sa iba’t ibang panig ng mundo kaya’t wala ng maipagkakaloob na pinansyal ang UN sa bansa.
Naninindigan si Bacani na hindi kailangan ng Pilipinas ang naturang tulong dahil hindi naman isyu sa mga Filipino ang paglaki ng populasyon bagkus ang higit na kailangan ng tao ay trabaho at kabuhayan na tutugon sa kanilang pangangailangan.
Ayon naman kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, napagod na ang UN sa kabibigay ng pondo para ipang-patay ng mga sanggol gayung wala naman silang napapala dito.
Ngayong wala nang aasahang pondo ang mga kongresista sa UN, higit anyang dapat magbantay at tutulan ng mga Filipino ang RH bill dahil tiyak na kukunin sa buwis ng bayan ang ilalaan nilang pambili ng condom at contraceptives.
- Latest
- Trending