Watchlist vs ex-FG inalis na
MANILA, Philippines - Binawi na ng Department of Justice (DoJ) ang ipinatupad na watchlist order (WLO) laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo.
Ito’y matapos magpadala ng pormal na liham si Senate blue ribbon committee chairman Teofisto Guingona Jr. na siya ring nagrekomenda ng nasabing watchlist dahil sa pagkakadawit ni Arroyo sa pagbebenta ng second hand choppers sa Philippine National Police (PNP) para sa presyong brand new.
Ayon kay de Lima, wala ng sagabal para tanggalin ang kanilang kautusan dahil ang naturang liham lang naman talaga ang kanilang hinihintay matapos una nang magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa kanilang WLO.
Nakasaad din umano sa liham ni Guingona na hindi na nila ipapatawag ang dating unang ginoo sa mga Senate inquiry bunsod ng pahayag ng doktor nito na maaaring makasama ang anumang matinding pressure sa kalusugan ni Arroyo.
Sa kabila nito, ang iba pang laman ng petisyon ng kampo ni Arroyo ay nakabinbin pa rin sa Korte Suprema, tulad na lamang ng hirit na pagbasura sa kapangyarihan ng DoJ na magpairal ng WLO at hold departure order.
- Latest
- Trending