Kahalagahan ng media lumutang sa 161st birth anniv. ni Plaridel
MANILA, Philippines - Pinalutang kahapon ni Manila Mayor Alfredo S. Lim ang kahalagahan ng mga mamamahayag sa lipunan ng kasalukuyan at nagdaang panahon sa ginanap na 161st birth anniversary ng bayaning manunulat ng ‘La Solidaridad’ na si Marcelo H. del Pilar sa monumento nito sa Remedios circle sa Malate, Maynila.
Ang bayani, na gumamit ng pangalang “Plaridel” ay may malaking naiambag sa tagumpay ng mga Filipino para sa demokrasya, partikular sa mga mapang-aping Kastila sa panahon ng bayaning si Dr. Jose Rizal.
Tulad noon, ganun din aniya ang nagagawa ng mga mamamahayag sa pagtulong sa bansa na maibunyag ang mga maling gawain at pag-abuso sa sambayanan.
Dumalo sa okasyon ang mga opsiyal ng lungsod at barangay, ilang kaanak ni del Pilar, mga opisyal ng Samahang Plaridel, Inc. (SPI) na binubuo ng mga beteranong journalists, columnists at editors sa pangunguna ng pangulo nitong si Rollie Estabillo, dating National Press Club president Marcelo Lagmay at dating press secretary Rod Reyes.
Nagpasalamat din si Lim sa SPI, ang nagmungkahi na ilipat sa Remedios Circle ang rebulto ni del Pilar, mula sa Manila Zoo, na hindi napapansin ng publiko.
- Latest
- Trending