MANILA, Philippines - Wala umanong katotohanan ang isyu na oversupply ng nurse sa bansa.
Ayon kay Philippine Nurses Association (PNA) national president Dr. Teresita Barcelo, hindi pa rin nawawala ang pangangailangan ng Pilipinas sa mga nurse.
Aniya, hanggang may nagkakasakit ay patuloy pa rin ang magiging pangangailangan ng mga Filipino sa nurses.
Ang pahayag ni Barcelo ay tugon sa paalala ni Health Secretary Enrique Ona na iwasan na muna ng mga estudyante ang kursong nursing dahil sa nangyayaring oversupply.
Idinagdag pa ni Barcelo na kung tutuusin ay marami pa ring oportunidad para sa mga nurse hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat.
Ngunit ang problema lamang aniya ay ayaw mag-empleyo ng nurse ng gobyerno. Giit ni Barcelo, kailangan ng bansa ng nurse subalit ayaw ng mga ito na kumuha.
Sa katunayan aniya ay plano ng DOH na kumuha ng 10,000 nurse para sa programa nilang Registered Nurses for Health Enhancement and Local Services (RN HEALS).
Ang mga nasabing nurse ay ide-deploy naman sa mga mahihirap na lalawigan kung saan kulang na kulang sa mga health workers.
Tatanggap ang mga ito ng allowance na P10,000 kada buwan.