MANILA, Philippines - Isa umanong malaking insulto kung basta na lamang palalayain ang inarestong 13 mga lider ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na umano’y nagpapanggap lamang na ‘political prisoner’ o pekeng consultant sa peace talks.
Ayon kay Philippine Army Spokesman Col. Antonio Parlade, maraming kinakaharap na kasong kriminal ang mga inarestong lider ng CPP-NPA kaya sa halip na palayain ay dapat ang mga itong iharap sa paglilitis ng batas.
Tinukoy ng opisyal ang kaso ni Tirso Alcantara alyas Ka Bart, commander ng Regional Special Operations Command ng NPA sa buong Southern Tagalog Region na may 23 warrant of arrest sa iba’t ibang kasong kriminal.
Si Ka Bart at aide nitong si Apolonio Cuarto ay nasa kustodya ng Philippine Army matapos masakote sa isang checkpoint sa Lucena City noong Enero ng taong ito.
Tinukoy rin ni Parlade ang naging pagpapalaya sa Morong 43 o ang mga miyembro ng mga rebeldeng NPA na nasakote sa Morong, Rizal noong nakalipas na taon na matapos palayain ay muling namundok ang apat sa mga ito.
Una rito, hiniling ni National Democratic Front (NDF) Chief negotiator Luis Jalandoni ang pagpapalaya sa 13 nilang consultants na nakapiit sa high risk detention cell dahil saklaw umano ito sa Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (JASIG) kaugnay ng isinusulong na peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng komunistang grupo.
Idinagdag pa ni Parlade na bababa ang moral ng tropa ng mga sundalong nagtrabaho para masakote ang naturang mga lider ng CPP-NPA kung basta na lamang ang mga ito palalayain na hindi sumasailalim sa paglilitis ng batas.