Sumablay sa repatriation, Envoy sa Syria sinibak
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na sinibak sa puwesto si Ambassador Wilfredo Cuyugan sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus sa kasagsagan ng isinasagawang voluntary repatriation sa may 17,000 overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa karahasan sa Syria.
Ayon kay Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, nagdesisyon si DFA Secretary Albert del Rosario na i-recall si Cuguyan at palitan pansamantala ng isang eksperto sa paglilikas ng manggagawang Pinoy sa katauhan ni Charge d’ Affaires at Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) Executive Director Eric Endaya.
“Because we are on a repatriation mode, Sec. Albert del Rosario has decided to replace Amb. W. Cuyugan with an operative and with an extensive experience in repatriation, Charge d’ Affaires Ricardo Endaya,” ayon kay Hernandez.
Nabatid na magtatapos umano ang serbisyo ni Cuyugan bilang ambassador sa Syria hanggang sa ikalawang linggo ng Setyembre.
Ang pahayag ng DFA ay kasunod na rin sa pag-amin ni Cuyugan na ipinalabas ang recall order nito ng nakalipas na linggo at nag-aantay na lamang siya ng pormal na anunsyo mula sa kalihim ng DFA.
Isa sa sinisilip na dahilan ng pag-recall kay Cuyugan ay ang magkaibang posisyon at pagtaya nito na “generally peaceful at safe” sa Syria.
Posibleng ikinairita ng DFA ay ang ginawang pahayag ni Cuyugan sa media na ligtas ang mga Pinoy sa Syria sa kabila naman ng pagtaas ng alert level 3 (voluntary evacuation) ng DFA noong Agosto 16 bunsod ng matinding karahasan sa Syria.
Magugunita na isa sa 12 OFWs na unang batch na umuwi ng nakalipas na linggo sa Manila mula Syria ang sinuportahan ang pahayag ni Cuyugan na ilang mga lugar lamang sa Syria na dinadausan ng mga pagkilos o demonstrasyon ang magulo.
Una nang ipinadala ni Del Rosario sina Foreign Affairs Usec. Esteban Conejos at Endaya sa Syria upang tingnan ang sitwasyon sa Syria at pangunahan ang voluntary repatriation sa mga Pinoy doon.
- Latest
- Trending