MANILA, Philippines - Nakatakda nang dumating ngayong linggo sa bansa ang may 35 Overseas Filipino Workers (OFWs) na inilikas sa Libya.
Ayon kay Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez, nakarating na sa Egypt ang 35 Pinoy sakay ng isang barko na inupahan ng Embahada sa International Organization or Migration (IOM) at inaayos na rin ng Embahada sa Cairo ang kanilang travel documents patungong Manila sakay ng isang commercial plane.
Sinabi ni Hernandez na makakasama ng 35 OFWs ang dalawa pang Pinoy na nakatawid sa border ng Libya at Egypt.
“Their onward repatriation to Manila is now being arranged by our embassy in Cairo,” ayon kay Hernandez.
Sinabi pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kamakalawa ng gabi ay sinubukan pa ng Rapid Response Team na pinamumunuan ni Usec. Rafael Seguis kasama ang mga opisyal ng Embahada sa Tripoli na tuntunin ang natitira pang ibang mga Pinoy sa Tripoli subalit hindi sila makatawid dahil sa matinding bakbakan.
Sinabihan umano sila ng mga rebelde na huwag nang tumuloy upang hindi maipit sa bakbakan at hindi masaktan bunsod ng matinding labanan.
Mula sa 1,600 Pinoy workers, tanging 35 pa lamang ang naililikas ng Embahada matapos na karamihan sa mga ito ay nagpahayag na mananatili sa Libya kahit matindi ang bakbakan sa ilang bahagi ng Tripoli habang nilulusob pa ang mga lugar na posibleng pinagtataguan ng wanted na si Libyan President Moammar Gadhafi na may patong sa ulo na $1.7 milyon.
Patuloy ang pakikipag-negosasyon at paghimok ng grupo ni Seguis sa mga employer at mga natitirang mga OFWs upang sila ay mailikas sa Libya.