MANILA, Philippines - Umapela si Justice Secretary Leila de Lima sa mga mambabatas na amyendahan na ang lumang batas na may kinalaman sa isyu ng droga.
Ang apela ni De Lima sa Kongreso ay bunsod na rin ng pagkakabasura ng kaso ng dalawa sa mga miyembro ng binansagang “Alabang Boys” na sina Richard Brodett at Jorge Joseph.
Ayon sa kalihim, gapos ang prosekusyon sa limitadong procedural provisions para sa mga kaso ukol sa illegal drugs.
“We have seen certain provisions that are a bit impractical since they make it harder for our law enforcers to run after drug offenders, especially the syndicates,” wika ni De Lima.
Magugunitang nasilip sa kaso ang teknikalidad, makaraang hindi umano dumaan sa tamang proseso ang buy bust operation sa Alabang laban sa mga akusado noong 2008.
Idinagdag pa ng kalihim, kasama sa kampaniya kontra droga ang angkop na mga batas dahil wala ring kahahantungan ang pagsisikap ng prosekusyon kung napag-iiwanan na ang basehan ng pagdidiin laban sa mga nasasangkot sa drug trafficking.