MANILA, Philippines - Mamayang alas-6:00 ng gabi ang alis ng delegasyon ni Pangulong Benigno Aquino III patungong China para sa kanyang 6-day state visit.
Kabilang sa kanyang delegasyon sina Presidential Spokesman Edwin Lacierda, DOTC Sec. Mar Roxas, DTI Sec. Gregory Domingo, DOE Sec. Rene Almendras, USec. Manolo Quezon at aabot umano sa 400 Fil-Chinese businessmen kabilang sina Lucio Tan at Henry Sy Jr.
Ito din ang kauna-unahang ang mga Fil-Chinese businessmen na magkakalaban sa negosyo ay magsasama-sama.
Magkakaroon ng one-on-one meeting si Pangulong Aquino kay Chinese President Hu Jintao sa Beijing sa Agosto 31.
Bukod sa Beijing, magtutungo din ang Pangulo sa Shanghai at Xiamen upang makipagpulong din sa mga local officials gayundin ang pakikipagkita nito sa Filipino community doon.
Nais alamin ni PNoy ang kalagayan ng mga OFW’s sa China kaya nais niyang makausap ang mga ito.
Bibisitahin din ng Pangulo ang Great Wall of China gayundin ang Forbidden City sa Beijing sa kabila ng kanyang busy schedule.
Babalik ng bansa ang Pangulo sa September 3.