AFP, PNP alerto sa pagtatapos ng Ramadan
MANILA, Philippines - Todo alerto ngayon ang tropa ng militar at pulisya na nagpatupad ng pagpapaigting ng seguridad partikular na sa Central Mindanao kaugnay ng selebrasyon ngayong araw ( Agosto 30) ng Eid ‘l Fitr o ang pagtatapos ng isang buwang pagtitika sa Islamic Ramadan ng mga kapatid na Muslim.
Ito’y naglalayong masupil ang posibleng pananabotahe sa peace talks sa pagitan ng GRP at Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng mga rogue elements nito na kinabibilangan ng tumiwalag at nagtayo ng sariling grupong si Commander Ameril Umbra Kato ng Bangsa Islamic Freedom Movement (BIFM).
Sinabi ni ARMM Police Regional Director P/Chief Supt. Bienvenido Latag, daang pulis ang kanilang idedeploy sa mga lugar na pagdarausan ng ‘congregational prayers’ ng mga Muslim.
Ayon kay Latag ang hakbang ay upang matiyak na hindi makapagsasagawa ng pananabotahe ang’ 3rd party’ mula sa pasaway na grupo ng mga rogue elements ng MILF habang idinaraos ang selebrasyon ng Eid’l Fitr.
“Security arrangements have been coordinated with the joint ceasefire committee of the government and the Moro Islamic Liberation Front (MILF) to avoid unnecessary skirmishes,” ani Latag.
Inatasan na rin ni Latag ang mga unit ng pulisya nito na bantayang mabuti ang national highway sa autonomous region upang tiyakin ang proteksyon ng mga panatikong Muslim na magtutungo sa mga mosque.
Sa panig ni Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Prudencio Asto, nauna na ring nagpatupad ng pinalakas na checkpoint ang tropa ng kanilang mga sundalo na ipinosisyon rin ang mga Armored Personnel Carrier (APC) tank sa mga pangunahing highway lalo na sa Maguindanao.
Binigyang diin ng opisyal na bibigyang proteksyon nila ang mga makikiisa sa selebrasyon ng Eid’l Fitr at pinahihintulutan rin ang mga sundalong Muslim na magpartisipa sa okasyon.
Kaugnay nito, inaasahan namang dadagsain ng libu-libong mga Muslim ang 32 hektaryang ARMM compound at iba pang lugar sa Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi.
- Latest
- Trending