MANILA, Philippines - Paiimbestigahan ni Bulacan Rep. Joselito “Jonjon” Mendoza sa Kongreso ang umano’y illegal at iresponsableng pagmimina ng iron ore sa kabundukan ng Barangay Camachin sa bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) sa naturang lalawigan.
Kasabay nito, hiniling din ni Mendoza sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na siyasatin ang Ore Asia and Development Corporation at papanagutin ito kung kinakailangan sa paglabag sa Philippine Mining Act of 1995 at sa Executive Order No. 23 ni Pangulong Noynoy Aquino na nagbabawal na magputol ng puno.
Sinuportahan ni Mendoza ang aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapatigil sa operasyon ng Ore Asia dahil sa umano’y paglabag nito sa batas ng pagmimina.
Pinanukala ni Mendoza ang tuluyan nang pagsasara nito upang hindi na lumawig ang pinsala sa kabundukan.
Sa tinanggap na ulat ni Mendoza, wala umanong maayos na tailings sa minahan kaya ang putik mula sa hinukay na bundok ay dinadala ng tubig ulan sa kahabaan ng ilog ng Biak na Bato, na nagiging sanhi ng polusyon rito.
Pansamantalang ipinasara kamakailan ng pamahalaang panlalawigan ang mining site ng Ore Asia batay sa rekomendasyon ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO) matapos ang inspection dito.