Pasaway na Comelec official tuluyang sinibak
MANILA, Philippines - Hindi lamang bilang law department head ng Commission on Elections (Comelec) sinibak si Atty. Ferdinand Rafanan dahil maging sa joint panel na nag-iimbestiga sa umano’y 2004 at 2007 election fraud ay sinibak din siya ng en banc.
Nabatid ito kahapon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na nagsabing nagpasiya ang Commission en banc sa idinaos na special en banc meeting nitong Biyernes na tuluyan nang tanggalin si Rafanan maging sa DOJ-Comelec panel.
Iginiit ni Brillantes na mahirap kausap at laging sumusuway si Rafanan sa mga utos ng Commission en banc.
“Kinokontra niya lahat ng orders namin, ‘di niya sinusunod. Gusto niya nasa Law Department siya at nasa DOJ-Comelec panel siya. Sabi namin ‘di pwede. Nung Wednesday sabi niya payag siya, nung Thursday nagbago isip,” paliwanag ni Brillantes.
Aminado rin si Brillantes na hindi nila nagustuhan ang ginawa ni Rafanan na kaagad na tumakbo sa media nang magkaroon ng problema sa halip na makipag-usap sa kanila.
Una nang sinibak si Rafanan sa law dept. nang makaalitan ang kaniyang deputy at itinalaga sa Comelec-DOJ investigating panel na magtatagal sana sa loob ng tatlong buwan.
Sa kasalukuyan ay pinag-aaralan kung saan siya dapat maipwesto bagamat tiniyak ni Brillantes na tulad din ng dati ang kaniyang ranggo mapunta man siya sa ibang dibisyon.
Unang napaulat na ang sinuspindeng si Atty. Allen Francis Abaya, na isa sa mga isinasangkot sa P690-million ballot secrecy folder scam, ang itinalaga bilang kapalit ni Rafanan bilang law department head.
Wala pa rin namang hinihirang ang poll body na makakapalit ni Rafanan sa Comelec-DOJ joint panel at inaasahang malalaman ito sa susunod na linggo.
Samantala, itinanggi rin ni Brillantes na pinagbawalan nila si Rafanan na magbigay ng panig hinggil sa isyu at nilinaw na sinabihan niya si Rafanan na kung magsasalita sa media ay huwag silang sisiraan.
- Latest
- Trending