MANILA, Philippines - Kinuwestiyon kahapon ni Senator Aquilino “Koko” Pimentel ang pagkakatalaga sa isang abogado na diumano’y sangkot sa “secrecy folder scam” sa Commission on Elections noong nakaraang taon.
Ayon kay Pimentel, hindi niya maintindihan kung bakit itinalaga ng Comelec bilang head ng kanilang law department ang isang taong nasangkot sa iskandalo at naakusahang nag-overpriced ng mga “secrecy folders” noong 2010 elections.
Naniniwala si Pimentel na dapat ay ikinonsidera muna ng Comelec ang recod ni Atty. Allen Francis Abaya bago ito itinalaga sa isang sensitibong posisyon.
Tinawag pa ni Pimentel na isang “damaged goods” si Abaya at posibleng hindi umano nito magampanan ng mabuti ang kaniyang trabaho.
Ipinaalala pa ni Pimentel na naging biktima siya ng dayaan sa eleksiyon kaya nais niyang bantayan ang komisyon at hindi dapat maitalaga sa posisyon ang mga taong kuwestiyonable na ang kredibilidad.