MANILA, Philippines - Umalerto na kahapon ang tropa ng militar laban sa mga grupo na nais isabotahe ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division (ID) Spokesman Col. Prudencio Asto, nagdeploy na ng mga tangke sa mga istratehikong lugar sa lalawigan ng Mindanao bilang preventive measures laban sa posibleng pag-atake ng grupo ng tumiwalag na lider ng MILF na si Commander Ameril Umbra Kato.
Una rito, idineklara ng MILF na breakaway group na nila si Kato matapos itong humiwalay bitbit ang umano’y 5,000 niyang miyembro at magtayo ng sariling grupo na Bangsa Islamic Freedom Movement (BIFM) na ang mandirigma ay tinawag naman nitong Bangsa Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Si Kato, may patong sa ulong P10-M ang nasa likod ng pag-atake sa mga sibilyang Kristiyano sa pitong bayan ng North Cotabato noong Agosto 2008 matapos ibasura ng Korte Suprema at ideklarang labag sa Saligang Batas ang kontrobersyal na Memorandum of Agreement on Ancestral Domain o ang pagpapalawak ng teritoryo ng MILF.
Nagbanta si Kato na reresbak at maglulunsad ng jihad o holy war dahil sa pagtutol nito sa isinusulong na peace talks ng MILF at ng gobyerno ni Pangulong Aquino.