33 patay, 6,778 nagkasakit
MANILA, Philippines - Patuloy na lumolobo ang dengue outbreak sa Southern Tagalog Region o CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) matapos makapagtala ng 33 kataong patay habang 6, 778 kaso pa ng nagkakasakit mula unang linggo ng Enero hanggang sa buwang kasalukuyan.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Director Benito Ramos, nangunguna ang lalawigan ng Rizal sa may pinakamaraming naitalang kaso ng dengue na sinusundan ng Laguna at Batangas.
Ayon kay Ramos, sa kabila na nangunguna ang Rizal ay mas marami naman ang nasawi sa Batangas na umaabot na sa 11.
Sa tala, nasa 1,777 kaso ng dengue ang nairekord sa Rizal kung saan siyam ang nasawi; Laguna, 1,666 at dalawa mula rito ang nasawi; Batangas, 1,621 kaso, siyam ang patay; Cavite, 929 kaso, lima rito ang namatay at Quezon, anim ang patay sa 785 kaso ng dengue.
Patuloy naman ang pinalakas na information drive ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para makaiwas ang mga residente sa nakamamatay na sakit na dengue na karaniwan tuwing panahon ng tag-ulan.
- Latest
- Trending