MANILA, Philippines - Nanawagan kay Pangulong Noynoy Aquino ang may 395,000 kasapian ng mga Jeepney, UV, tricycle, trucking, taxi, multicab at pedicab sa ilalim ng grupong Allianced of Concerned Transport Organization (ACTO) na pakialaman na ang patuloy na bangayan nina Executive Secretary Pacquito Ochoa at DOTC Secretary Mar Roxas.
Ayon kay Efren de Luna, pangulo ng ACTO, lubha nang apektado ang transport sector sa patuloy na bangayan ng grupo ni Ochoa at Roxas na may kinalaman sa pagbibitiw ni LTFRB Chairman Nelson Laluces sa kanyang puwesto.
Si Laluces ay tao ni Ochoa at sinasabing maglalagay ng kanyang sariling tao si Roxas sa LTFRB.
Bunsod anya ng pabago-bagong mga tauhan ng ahensiya ng pamahalaan, nagiging mabagal ang kalakaran ng mga transaksiyon sa LTFRB
“Kung sinasabi ni Pangulong Aquino na kami ang Boss niya, dapat sana bigyan naman kami ng tinig sa kanya at pag-aralan ang aming kahilingan,” pahayag pa ni de Luna.
Giniit ni de Luna sa Pangulo na hindi dapat pairalin ng pamahalaan ang “bata-bata system” sa gobyerno at pag-aralang mabuti ang pagpapalit ng mga tauhan.
“Kung sakali man na palitan ang Chairman ng LTFRB dapat sana ito ay may karanasan sa hanay ng transport sector at hindi papairalin ang bata-bata system,” dagdag ni de Luna.