MANILA, Philippines - Umuubos ng 10 oras bawat linggo sa internet ang mga Filipino, ayon sa isang pag-aaral kamakailan na isinagawa ng Yahoo! Philippines at ng Nielsen Media.
Sa laki ng oras na ginugugol ng mga mamamayan sa internet, sinabi kahapon ni Senator Edgardo Angara na ang cyberspace ay maaari ng ihanay sa global common space na katulad ng air, land at sea.
Ayon kay Angara, tatlumpung porsiyento (30%) ng populasyon sa mundo ay may access sa tinatawag na World Wide Web.
“Around 30 percent of the population has access to the World Wide Web. A recent study conducted by Yahoo! Philippines and Nielsen Media shows that Filipinos now spend an average of 10 hours a week on the Internet. This is double the time they spent on the web in 2009,” pahayag ni Angara.
Umaabot naman umano sa 20 milyong bagong strains ng malware o computer virus ang na-identify noong 2010 base sa report ng PandaLabs--ang antimalware unit ng IT firm na Panda Security.
Sa kasalukuyan, umaabot umano sa 60 milyong iba’t ibang strains ng malware o online threats.
Kaugnay nito, nagbabala si Angara sa mga Filipino internet users na doblehin ang pag-iingat sa pakikipag-transaksiyon sa internet upang hindi maging biktima ng cybercrimes.
Hindi aniya maaaring magbantay oras-oras ang gobyerno sa mga computer hackers at iba pang krimen na maaring maganap sa pamamagitan ng internet kaya dapat lamang na maging vigilante ang mga mamamayan.