MANILA, Philippines - Nabulabog ang detention cell ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) makaraang i-hostage ang 171 preso ng dalawa nilang naburyong na kasamahan habang patay naman ang isang jailguard sa mahigit 7 oras na standoff sa bayan ng San Jose, Antique.
Kinilala ni PNP Spokesman P/Chief Supt Agrimero Cruz Jr. ang nasawing si Jail Officer 2 Romer Saquibal na dead-on-the spot sa tinamong tama ng bala ng kalibre .38 baril sa kaliwang mata.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Cruz na alas-5:30 ng hapon ng mangyari ang insidente sa detention cell ng BJMP na matatagpuan sa Marina St., Brgy. 4, San Jose.
Kasalukuyan pinalilinya ang mga preso para sa rasyon ng kanilang pagkain sa hapunan nang bigla na lamang barilin ng presong si Christopher Fernando, may kasong murder, si Saquibal.
Kinuha ni Fernando ang kalibre .45 ni Saquibal at itinago ang cellphone nito at habang tinatangka ng mga awtoridad na pasukuin ito ay bigla namang hinostage ng isa pang preso na si Lloyd Francisco na armado naman ng hand grenade ang 171 pa nilang mga kasamahang bilanggo.
Agad pinalibutan ng nagrespondeng mga elemento ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team, tactical units ng Iloilo Provincial Police Office at Iloilo City Police ang nasabing bilangguan.
Sinabi ni Cruz, ganap na alas-12 ng hatinggabi ng sumurender sa binuong Crisis Management Committee ang dalawang nagwalang preso matapos ang ilang oras na standoff.
Inaalam na kung saan nanggaling ang baril at granada na ginamit ng dalawang preso habang patuloy ang imbestigasyon sa partisipasyon ng 15 pang inmates na supporter ng mga ito sa insidente.
Nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and explosives at grave threats sina Fernando at Francisco habang karagdagan namang kasong murder sa una sa pagkakapatay kay Saquibal.