Pagkamatay ng Pinay sa Kuwait iniimbestigahan na - Sen. Villar
MANILA, Philippines - Siniguro ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait kay Senador Manny Villar ang pagkakaroon ng hustisya sa pagkamatay ng OFW na si Juvy Montesoso ng Talisay, Cebu.
Sa kanyang liham kay Sen. Manny Villar, sinabi ni Ambassador Shulan Primavera na ginagawa ng embahada ang lahat ng hakbang upang malaman ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Montesoso. Ang biktima ay namatay matapos tumalon umano mula sa ika-walong palapag ng TalaTower Fintas sa Kuwait, kung saan naninirahan ang nobyo nito na isang US military.
Ang pahayag ni Primavera ay tugon sa sulat ni Villar kay DFA Sec. Alberto del Rosario noong Agosto 17 na humihiling na imbestigahan ang pagkamatay ni Montesoso dahil sa mga pagdududa ng pamilya nito na may nangyaring foul play. Hiniling din ng Senador sa DFA na mapabilis ang pagpapauwi sa mga labi ni Montesoso sa Cebu.
Sinabi pa ni Primavera na mismong si Daligdig Ibrahim Tanandato, ang pinuno ng Assistance to Nationals Unit ng Philippine Embassy sa Kuwait, ang nakikipag-ugnayan sa Kuwaiti Police, forensic experts, mga kasambahay at mga kaibigan ni Montesoso upang mangalap ng impormasyon at ebidensiya kung may foul play ang pagkamatay nito.
Nangako din si Primavera kay Villar na agad nitong ipapaalam sa senador ang mga detalye ng pag-uwi ng mga labi ni Montesoso sa Pilipinas sa mga susunod na araw.
Una nang nagpa-abot ng pinansiyal na tulong sa pamilya ni Montesoso si Villar nang ito ay kanyang makausap ng personal sa Cebu. Nangako din ang senador na tutulungan nitong makapag-aral ang anak ng biktima.
- Latest
- Trending