MANILA, Philippines - Ginunita ng mga kaanak, kaibigan at mga nakaligtas sa Luneta hostage crisis ang ika-isang taong anibersaryo ng nasabing insidente na naganap noong nakaraang taon. Nagdaos ng isang Buddhist ceremony ang mga pamilya ng hostage victims at survivors sa mismong pinangyarihan ng insidente sa harap ng Quirino Grandstand, Manila.
Nag-alay ang mga ito ng bulaklak, pagkain at inumin sa paniwalang nangangailangan ang mga yumao ng pagkain para sa kanilang paglalakbay sa kabilang buhay.
Samantala, kinuyog naman ng ilang Hong Kong media ang dating negosyador na si C/Insp. Romeo Salvador ng magtungo sa mismong pinangyarihan ng insidente sa Luneta habang nagsasagawa ng Buddhist rites.
Nabatid na bumisita lamang si Salvador sa lugar upang tingnan ang crime scene, lalo’t isa siya sa nagkaroon ng malaking papel para sa negosasyon sa nang-hostage na si dating S/Insp. Rolando Mendoza.
Pero habang tahimik na nag-oobserba, nakilala si Salvador ng mga Chinese at nilapitan siya ng mga ito, sabay ang pagtatanong kung bakit hindi ito nagbitiw sa pagiging pulis kahit hindi nagampanan ng tama ang kanilang trabaho.
Subalit hindi naman sinagot ni Salvador ang tanong ng mga Chinese at sa halip ay nag-sorry ito at agad ding umalis sa lugar.