Kinardyak na service vehicle ng SSS, narekober
MANILA, Philippines - Narekober na ng mga operatiba ng Quezon City Police-District Anti Carnapping Unit (QCPD-DACU) ang natangay na Toyota Fortuner na pag-aari ng Social Security System (SSS) matapos ang follow-up operation sa probinsya ng Bulacan, ayon sa ulat ng pulisya kahapon
Ayon kay Senior Supt. Arrazad Subong, hepe ng District Deputy Director for Administration, ang pagrekober sa Fortuner ay matapos na ipagtapat ng mga naarestong sina Jasmin Liscano-Reyes, at Arlene Datul-Juaniza ang lugar na posibleng pagdalhan nito matapos na tangayin sa may Magalang corner Malakas St., Brgy. Pinyahan noong Biyernes ng alas- 4:22 ng hapon.
Magugunitang ang Fortuner (NOG-594) na service vehicle ng SSS ay tinangay ng mga suspect matapos ipinarada sandali ng driver nitong si Almario Asuncion, 43, sa nasabing lugar para bumili ng meryenda sa isang tindahan sa naturang lugar.
Ang naturang sasakyan, base sa pag-amin ni Jasmin ay kinomander ng asawa niyang si Mark Lester Reyes, alyas Mac Lester, 34, lider ng grupo, kasama sina Christopher Ducot, alyas Bok, at Alex na pawang taga -Calumpit Bulacan patungo sa hindi mabatid na lugar.
Sa naturang insidente ay agad na naaresto si Mark Reyes, na nagsilbing look out hanggang sa magkasunod na nadakip din sina Jasmin at Arlene kung saan nakuha sa una ang isang kalibre 45 baril.
Sa interogasyon ng DACU sa mga suspect ay nabatid ang lugar na posibleng pinagdalhan sa sasakyan dahilan para magsagawa ng follow-up operations ang DACU sa may Calumpit Bulacan ganap na alas-4 ng madaling araw kung saan naispatan nila ang Toyota Fortuner sa D. Fajardo St., corner Fr. Zamora St., Brgy. Poblacion, dito.
Sa kasalukuyan patuloy ang pagtugis ng pulisya sa nalalabi pang miyembro ng nasabing grupo habang sinampahan na ng kaso sina Mark Joseph, Jasmin, at Arlene.
- Latest
- Trending