MANILA, Philippines - Sinibak na sa puwesto si Blumentritt Police Community Precinct-chief Insp. Eduardo Morata kaugnay sa isyu ng pag-torture ng kaniyang apat na tauhan sa nahuling dalawang suspect sa panghoholdap kamakailan.
Nabatid na iniutos na ni MPD-Station 3 commander P/Supt. James Afalla ang administrative relief kay Morata para bigyang daan ang isinasagawang imbestigasyon ng Commission on Human Rights (CHR) at National Police Commission (Napolcom).
Pansamantalang itinalaga sa administrative section ng MPD-Station 3 si Morata at pinalitan siya sa Blumentritt-PCP ni SPO4 Cenon Parungao, bilang officer-in-charge.
Nabatid na isinalang kahapon sa imbestigasyon ng NAPOLCOM ang apat na pulis na sangkot sa torture na kinabibilangan nina PO1 Lester Caguintuan, Christopher Duran, Richard Closa, at Andrei Nunez, na nasa ilalim ng command responsibility ni Morata.
Matapos silang dinis-armahan noong nakalipas na Linggo at sampahan ng reklamo, itinalaga sila sa MPD headquarters.
Sa reklamo, ang apat ang may kagagawan ng pagdakip at pananakit sa mga suspect sa holdap na sina Gerry Diaz at Rommel Perez.
Ayon sa kanila, binuhusan sila ng kumukulong mantika at hinataw ng yantok matapos arestuhin sa panghoholdap umano sa mga pasahero ng isang jeep.