MANILA, Philippines - Muling naantala ang nakatakdang operasyon ni Pampanga 2nd district Representative Gloria Macapagal Arroyo ngayong Martes dahil sa pagkakaroon ng lagnat ng pasyente kamakalawa ng gabi na maaaring makaapekto sa kalagayan nito.
Sa medical bulletin na binasa ni Saint Luke’s Medical Center Spokesperson Dr. Marilen Lagniton, inirekomenda ni Dr. Juliet Cervantes, attending physician ni Arroyo, na obserbahan pang husto ang kalagayan nito bago ituloy ang operasyon sa cervical spine.
Sumailalim umano sa iba’t ibang pagsusuri ang dating Pangulo upang matukoy kung saan nag-ugat ang impeksyon nito sa naunang operasyon sa gulugod ngunit nagnegatibo lahat. Maaaring ang mga pagsusuring ito ang dahilan umano ng pagkakalagnat ni Arroyo.
Maaari pa naman umanong matuloy ang operasyon ngayong linggo sa oras na bumuti na ng husto ang kalagayan ng kanilang pasyente. Hindi naman nagpalabas ng impormasyon ang pagamutan sa kalagayan na ng buto ni Arroyo na natuklasan nilang marupok.
Sinabi ni Dr. Lagniton na magpapalabas muli sila ng medical bulletin anumang araw sa oras na makapagdesisyon na itutuloy na ang operasyon.